Patuloy ang ginagawang mas pagpapaigting pa ng mga telecommunications company at regulators sa paghimok sa mga Pilipino na magregister na ng kanilang SIM card.
Sa kabila ito ng mababang bilang ng mga subscriber sa buong Pilipinas ang nakakapagparehistro na ng kanilang SIM card sa ngayon.
Pag-amin ni National Telecommunications Commission Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan, bumagal talaga ang rate ng pagpaparehistro ng ating mga kababayan .
At sa katunayan pa nito ay pumapalo pa lamang sa 21% ng kabuuang bilang ng mga active SIM card ang rehistrado sa bansa.
Katumbas ito ng 35.3 million na mga SIM card mula sa 168 million na kabuuang bilang ng mga ito sa Pilipinas.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan at mga telecommunication company na hikayatin pa ang ating mga kababayan na iparehistro na ang kanilang mga SIM ng maaga.
Kabilang na ito ang mga itinatag na facilitated SIM registration ng gobyerno at ilang stakeholders sa mga liblib at malalayong lugar.
Sa ngayon ay mayroon na lamang dalawang buwan ang nalalabi bago matapos ang deadline ng SIM registration sa April 26, 2023.