Bumuwelta si Manila mayoralty candidate Alfredo Lim sa mga nagpapakalat ng umano’y kanyang pagsuporta sa katunggaling si Isko Moreno para sa pagkaalkalde sa lungsod.

Sinabi ni Lim na dating alkalde ng Maynila na hinding-hindi nito babawiin ang kanyang pagtakbo bilang mayor sa nasabing siyudad.

Tahasan ding tinawag ni Lim na mga “psychopathic” ang naturang mga personalidad, sabay giit na tuloy pa rin ang kanyang laban.

Una nang sinabi ng abogado ni Lim na si Renato dela Cruz na sisiyasatin daw muna nila ang lumabas na ulat bago sila magsampa ng kaukulang kaso.

Kasabay nito, pinasalamatan naman ng dating mayor si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pag-endorso sa kanya bilang mayor ng Maynila.

Ayon kay Lim, walang problema kahit tila last minute ang pagtaas ni Pangulong Duterte sa kanyang kamay noong Sabado sa huling campaign sortie ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan sa Pasig City.