Papanagutin ng pamahalaan ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa COVID-19 vaccination sa bansa.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, tila naging “trend” na ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa pagbabakuna sa mga nakalipas na araw.
Nanawagan rin ito sa mga tao na huwag basta maniwala sa mga post sa social media at kung maaari ay tawagan o kontakin ang kanilang mga local government unit para matiyak ang nasabing posting sa pagpapabakuna.
Kahapon, dumagsa ang maraming tao na nais magpabakuna sa Araneta Coliseum sa Quezon City dahil sa nakita raw nilang Facebook post na puwede sa lugar ang walk-in vaccinees.
Subalit ayon kay Sonny Cancio, team leader sa Task Force Disiplina, ang tinatanggap lamang sa mga vaccination sites ay ang mga nakapagparehistro lamang.
Kaya naman pinauwi na lamang din sa huli iyong mga nagtungo sa Araneta Coliseum na hindi nakapagparehistro.