Iniulat ng Bureau of Immigration na tanging nasa 0.06% lamang ng kabuuang bilang ng mga pasaherong umaali sa bansa sa araw-araw ang na-offload sa kanilang mga flight nang dahil sa human trafficking, ilegal recruitment, o inconsistencies sa kanilang mga travel documents.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, patuloy ang kanilang isinasagawang pagsasanay sa mga immigration personnel upang paalalahanan ang mga ito na maging pormal at propesyunal sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.
Sa naturang pahayag ay ipinaliwanag din ni Sandoval na ang mga secondary inspection na isinasagawa ng kanilang mga tauhan ay limitado sa mga biktima ng mga krimen tulad ng human trafficking, na isang pangkaraniwang pangyayari sa bansa, at ang mga may mga indibidwal na may dokumentong hindi naaayon sa kanilang mga travel purpose.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ng BI na doble kayod sila ngayon upang tiyakin na maayos na maisasagawa ng kanilang mga tauhan ang kanilang mga trabaho alinsunod sa guidelines ng departure formalities, partikular na sa pakikipag-ugnayan sa mga pasahero.
Bukod dito ay sinabi rin ni Sandoval na bukas ito sa mga reklamong ihahain laban sa kanilang mga tauhan at handa ang kagawaran na agad na magsagawa ng imbestigasyon at patawan ng mga karapatdapat na kaparusahan ang mga sinumang mapapatunayang nagkasala.









