LEGAZPI CITY – Nagbabala ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na mahaharap sa preventive suspension o kasong administratibo ang mga local chief executive na sumusuway sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Patuloy pa umanong nakakatanggap ng reklamoang PACC hinggil sa mabagal na transaksyon sa ilang lokal na pamahalaan sa kabila ng umiiral na batas.

Sinabi ni PACC Commissioner Manuelito Luna sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tutugisin umano ng komisyon ang mga namumuno sa local government na hindi sumusunod sa patakaran habang didirekta na kay Interior Secretary Eduardo Año para sa build-up ng kaso.

Pagbubunyag pa ni Luna na mula Luzon, Visayas at Mindanao ang mga reklamo sa mga mayor o gobernador na matitigas ang ulo.

Giit ni Luna na hindi dapat masanay sa dating sistema habang pinag-uugatan rin aniya ng “ulterior motives” ang pagpapahirap sa mga kababayan.

-- Advertisement --

Paalala din nito na aabutin lamang ng tatlong araw ang simpleng transaksyon, pitong araw sa complex habang 20 araw ang maximum sa mas mahihirap na permit na kukunin.

Samantala, kinumpirma rin nito na may ilang reklamo laban sa ilang opisyal sa Bicol na karaniwan aniyang matatagpuan sa malalayong lugar.