-- Advertisements --

Suportado ng mga mambabatas ang pagsasailalim sa enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil pa rin sa public health crisis dulot ng COVID-19.

Iginiit ng ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo na napatunayan na sa karanasan ng ibang bansa na ang “stay at home” policy ang pinakamabisang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Para naman kay Caloocan City Rep. Edgar Erice, bagama’t “better pill” ang hakbang na ito sapagkat sa ganitong pamamaraan ay maiiwasan ang contamination at posibleng pagkamatay ng ilang libong tao.

Kaya naman mahalagang magtulungan aniya ang lahat sa ngayon, pero umaasa namang matiyak ng pamahalaan ang pagtulong sa mga apektado ng enhanced community quarantine.

Sinabi ni Quimbo na dapat tanggapin na hindi magiging perpekto ang implementation ng enhanced community quarantine pero sa halip na panay reklamo lamang, ay tumulong ang bawat isa para masolusyunan ang krisis na ito.

Pero hindi aniya dapat ipagkibit balikat ang mga lumalabas na problema sa gitna nang ipinapatupad na lockdown tulad nang pagsuspinde sa transportasyon, kung saan kabilang sa mga apektado rito ang mga health workers, government workers na nasa mga checkpoints, private sector employees sa mga groveries, drugstores at iba pa.

Isa sa mga nakikita nito na maaring gawin ng pamahalaan ay bayaran ang existing P2P buses para serbisyuhan ang mga exempted sa enhanced community quarantine, pero dapat mahigpit na pagbabantay aniya ang gawin dito.

Bukod dito, makakatulon din aniya kung papayagan ang mga food delivery support.

Higit sa lahat, pagtuunan din aniya dapat ang cash transfers para sa mga “no work, no pay” wokrers para matiyak na mananatili ang mga ito sa kanikanilang mga bahay habang may lockdown.