Nakasalalay kay Democratic House Speaker Nancy Pelosi kung kailan nito ipapadala sa Senado ng Estados Unidos ang article of impeachment laban kay US President Donald Trump.

Sa oras na matanggap ito ng Senado ay saka sila magsasagawa ng pagdinig.

Ganito rin ang nangyari noong 2019 matapos i-impeach si Trump ng Democratic-controllod House dahil sa umano’y pamimilit nito sa lider ng Ukraine na halungkatin ang mga di-umano’y dumi sa pulitika ni President-elect Joe Biden, ngunit napawalang-salawa si Trump ng Republican-majority Senate noong Pebrero 2020.

Subalit ngayon ay mayroon na lamang isang linggong natitira si Trump sa White House bago ang pormal na panunumpa ni Biden bilang ika-46 na presidente ng Amerika sa Enero 20.

Kasalukuyang naka-recess ang Senado ngayon at nakatakda itong bumalik sa Enero 19, pero ayon kay Democratic Senate Minority Leader Chuck Schumer, maaaring pabalikin ng mas maaga ni Republican Senate Majority Leader Mitch McConnel ang mga mambabatas para sa isang emergency session.

Sa kabila ng nasabing suhestyon ay hindi ito sinuportahan ni McConnell. Aniya kahit pa raw mabilis na kumilos ang Senado ay walang paraan upang magsagawa ito ng pagdinig bago ang inagurasyon ni Biden.

Kung pagbabasehan daw kasi ang patakaran at procedures na sinusunod ng Senado patungkol sa impeachment trials ay walang tsansa na magkakaroon ng patas o seryosong pagdinig.