Muling nagbabala ang dalawang senador kaugnay pa rin sa mga pekeng websites na nangongolekta ng bayad kapalit ng e-Arrival cards.
Ayon kina Senator Pia Cayetano at Senate Majority Leader Joel Villanueva, naglipana raw sa ngayon ang mga ganitong modus.
Sinabi ni Cayetano na mismong ang anak nitong babae ay nabiktima ng website na www.ph-entryform.com.
Lumalabas na ang naturang website ay nasa unahan ng iba pang websites sa sandaling ise-search ang “earrival card philippines” sa Google.
Ni-require daw nito ang anak ng mambabatas na magbayad ng USD70 o katumbas ng mahigit P4,000.
Dahil dito, pinag-iingat ni Cayetano ang publiko dahil hindi raw nito alam kung ilan pang katao ang naloko ng naturang site.
Binigyang-diin din ng senadora na wala namang bayad para makakuha ng eArrival card.
Dahil dito, hiniling na raw ng Department of Health (DoH) sa National Bureau of Investigation at ang search engine Google na imbestigahan ang naturang isyu.
Maliban dito, sinabi ni Cayetano na nakipag-ugnayan na rin ito sa Google dahil posibleng magdala ng damage ang mga pekeng websites hindi lamang sa reputasyon ng bansa kung pati sa mga returning Filipinos at mga turista.
Sa panig ni Sen. Villanueva, pinangalanan nito ang websites philippineshop.com, entranceform-philippines.com at philippines.form.com na napaulat na humihinigi rin ng One Health Pass noong nire-require pa bilang bahagi ng Covid-19 protocols.
Noong nire-require pa ang One Health Pass nasa 2.7 million passengers ang dumating dito sa bansa ayon sa senador.
Ang One Health Pass ay pinalitan ng eArrival Card noong November 1.
Una nang naungkat ang isyu sa budget presentation ng Department of Tourism.