-- Advertisements --

Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na posibleng maipit ang mahihirap na bansa sa pagbili ng COVID-19 vaccine dahil karamihan sa mayayamang bansa ang nagkukumahog nang makakuha ng kani-kanilang mga stocks ng bakuna.

Ayon kay WHO Director-General Tedros Ghebreyesus na unti-unti nang nakakita ang mundo ng liwanag mula sa dilim na dulot ng coronavirus pandemic.

Subalit sa kabila nito, sinabi ni Ghebreyesus na hindi katanggap-tanggap na mahuhuli ang mga mahihirap mula sa pagkuha ng bakuna.

Itinuturing na global crisis ang pandemyang ito kung kaya’t dapat ay maging patas ang hatian sa solusyon tulad ng global public goods, at hindi bilang private commodities na mas lalo lamang magiging dahilan para lumala ang inequalities sa bansa.

Dagdag pa nito na may iba pang problema ang mundo bukod sa coronavirus. Aniya, walang bakuna para sa kahirapan, gutom at climate change kaya dapat ay pagtuunan din ito ng pansin ng mga world leaders.

Britanya ang kauna-unahang Western nation na nabigyan ng approval para sa kanilang bakuna, kung saan inaasahan na susunod dito ang Estados Unidos at iba pang bansa para simulan ang mass immunization drives.