Mahigpit na pinag-iingat ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang hinggil sa kumakalat na modus online patungkol sa sa pagbibigay ng libreng allowance para sa mga mag-aaral ng elementarya kapalit ng kanilang impormasyon.
Ito ay matapos makarating ang naturang post sa tanggapan kung saan nakalagay ang logo ng DepEd at naroon sa gilid ang larawan ng Bise Presidente ng Pilipinas na si Sara Duterte.
Mariin din naman itong pinabulaan ng ahensiya kasabay ng pagpayo sa mga magulang na huwag basta maniwala rito upang hindi manganib ang kanilang mga seguridad.
Ang nasabing ipinamimigay na ‘allowance’ ay nagkakahalaga ng PHP1,000 para sa Grade 1, habang PHP2,000 naman para Grade 2, PHP2,500 sa Grade 3, PHP3,000 sa Grade 4 at nasa PHP4000 at PHP5,000 naman ang ibibigay para sa Grade 5 at 6 na mag-aaral.
Nakasaad din sa naturang post na upang makakuha nito ay kinakailangan magpasa sila ng school ID ng kanilang mga anak sa ibinigay na link bago mag Marso 30, 2024.
Ngunit imbis na mapunta sa DepEd website, isang blogging site ang lumalabas na kung saan kinakailangang nilang magsumite ng buong pangalan, kaarawan, tahanan at mobile number na siyang maaaring gamitin para sa phishing scams.
Pinaalala naman ng DepEd na maging mapanuri at naniwala lamang sa opisyal na social media accounts ng DepEd para makakuha ng tama at makatotohanang impormasyon. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)