Hindi lang pagbaha ang problema ngayon ng mga magsasaka sa Cordillera dahil sa ilang linggong mga pag-ulan.
Apektado na rin ang kanilang kita dahil sa nasirang pananim, mas mataas na gastos sa transportasyon, at kakulangan ng suplay ng gulay sa merkado.
Tinatayang umabot na kasi sa P368 million ang pinsala sa agrikultura sa Cordillera dahil sa mga nagdaang kalamidad.
Sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC), ilang vegetable trader na ang nagsabing nahihirapan silang magdala ng mga gulay sa merkado.
Dahil sa masamang panahon, tumataas ang gastos sa transportasyon habang may mga gulay namang nasisira bago pa makarating sa mga mamimili.
Dahil dito, bumabagal na ang kanilang bentahan at nalulugi narin ang ilang negosyante.
May ilang magsasaka at trader din na nagbababa ng presyo ng kanilang paninda para kahit papaano ay mabawi ang bahagi ng kanilang ipinuhunan.
Ayon sa BAPTC, unti-unti nang nadaragdagan ang mga delivery ng gulay sa trading center.
Pero para makaiwas sa mas malaking pagkalugi, may mga magsasaka na maagang nag-aani ng mga pananim na maaari nang anihin bago pa lumala ang panahon.
Ganito rin ang sitwasyon sa mga lowland vegetable producer, ayon sa agriculture industry group na SINAG.
Sinabi ni SINAG chairperson Engr. Rosendo So na may ilang magsasaka na nag-aani nang mas maaga dahil sa pangambang masira ang kanilang pananim.
















