-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Sinimulan na ang online appointment o booking sa Facebook account ng COMELEC – Baguio-Benguet para sa mga gustong magparehistro bilang botante at sa mga kukuha ng voter’s certification.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Baguio City Election Officer Atty. John Paul Martin, bahagi umano ito ng bagong alituntunin ng kanilang opisina para maprotektahan ang mga kliyente at mga empleyado ng komisyon habang may health crisis dulot ng kasalukuyang COVID-19 pandemic.

Aniya, kung matutuloy ang pagbubukas nila sa publiko sa July 1 ay hindi sila basta-basta tatanggap ng mga kliyente dahil kailangang ang mga pupunta sa kanilang opisina para magrehistro at kukuha ng sertipikasyon ay may appointment na sa pamamagitan ng kanilang online booking.

Sinabi nito na sa online booking system nila ay mismong kliyente ang pipili ng araw at oras na tutungo ito sa kanilang tanggapan para sa kaukulang transaksiyon.

Kinakailangan din aniyang i-download at sulatan ang registration form mula sa website ng komisyon.

Sa pamamagitan aniya ng bagong sistemang ito ay mas mapapadali ang pagproseso sa mga kliyente ng tanggapan at makakasiguro sila na ligtas ang magiging transaksiyon ng mga ito.

Marami rin daw sa mga residente ng Baguio ang nagpa-book na simula July 1 hanggang July 3.