-- Advertisements --

Mahigit isang milyong doses ng COVID-19 vaccines ang ipapadala sa mga rehiyong apektado ng Bagyong Odette bilang paghahanda sa second wave ng nationwide vaccination drive ng pamahalaan.

Matatandaang hindi natuloy noong nakaraang linggo ang tatlong-araw na bakunahan sa Regions 5, 4B, at sa buong Visayas at Mindanao, na kabilang sa projection ng mga eksperto na tatamaan ng Bagyong Odette.

Kabuuang 663,400 doses ng mga bakunang binili ng private sector na AstraZeneca vaccines at 535,500 doses naman ng Moderna vaccines ang dumating sa NAIA Terminal 3 kagabi.

Ang mga dumating na Moderna vaccines kagabi ay bigay ng European Union at ng Germany.

Sinabi ni Dr. Ma. Paz Corrales, medical consultant ng NTF, na ang mga bakunang ito ay ilalaan para sa mga rehiyong apektado nang pananalasa ng Bagyong Odette.

Nauna nang nangako ang AFP na dadalhin ang mga bakuna kontra COVID-19 sa mga lugar sa Visayas at Mindanao, lalo na at apektado ang transportasyon bunsod ng bagyo.