-- Advertisements --
image 317

Naghahanda na rin ang mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila sa maaaring maging epekto ng matinding pag-ulan at malakas na hangin sakaling pumasok na sa bansa ang Super Typhoon Mawar nitong weekend.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chair Don Artes, nakaantabay ang disaster response units sa mga lugar na karaniwang binabaha gayundin sa may mga estero.

Ilan kasi sa mga lugar na bahain sa rehiyon ay ang Marikina, ilang bahagi ng Quezon city at Mandaluyong.

Nakabantay din ang MMDA sa posibleng mga pagbaha sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Natukoy na rin ayon kay Artes ang mga delikadong lugar sa kanilang hurisdiksiyon at ipinag-utos ang paghahanda sa kanilang mga residente para lumikas sa mas ligtas na lugar kung kinakailangan.

Naghahanda na rin ang MMDA ng kanilang rescue boats sakaling bumaha gayundin naka-stand by na rin ang mga military trucks at mga ambulansiya.

Handa rin ang mga LGUs na tumulong sa mga emergency situation sa labas ng kanilang mga hurisdiksiyon o ng Metro Manila.