CAUAYAN CITY – Susunod na magiging puntirya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa laban kontra iligal na droga ng pamahalaan ang mga local chief executives.
Sa pagbisita ni DILG Secretary Benhur Abalos sa Cauayan City ay inilunsad din ang kampanya ng Administrasyong Marcos na BIDA o “Buhay ay Ingatan Droga ay Ayawan”.
Inihayag ni Kalihim Abalos sa ginanap na press conference na kapag natapos na ang cleansing o paglilinis sa Philippine National Police (PNP) ay isusunod namang pupuntiryahin ng DILG ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan.
Matatandaan na unang nagkaroon ng mass courtesy resignation ang ilang matataas na opisyal ng PNP dahil sa panawagan ng DILG may kaugnayan sa iligal na droga.
Aniya, mahigit 700 nang mga pangalan ang naimbestigahan ng binuong 5-man committee at inaasahang matatapos sila sa pag-iimbestiga sa mga Colonel at Generals ng isa hanggang dalawang buwan.
Matapos nito ay ipapasa na sa NAPOLCOM at DILG at dito na malalaman kung tatanggapin o hindi ang naging resulta ng imbestigasyon ng 5-man committee.
Ayon kay Kalihim Abalos hindi lang sa PNP magpopokus ang DILG dahil susuyurin din ang nasa ibabang lebel maging ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan.
Aniya hindi lalaki ang kalakaran sa iligal na droga kung walang koneksyon ang mga involved sa mga taong nasa gobyerno.
Tiniyak naman niya na ipapatupad pa rin ang due process ngunit walang kikilingan sa laban kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Samantala, iginiit ni kalihim Abalos na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay ng iligal na droga bilang reward sa mga asset ng PNP.
Sinabi ng kalihim na hindi nararapat na droga ang ibayad sa mga asset na nakapagbibigay ng magandang impormasyon sa PNP laban sa iligal na droga.
Aniya sa ganitong gawain ay lumalala ang problema dahil pinapaikot lamang ang droga at hindi mawawala sa sirkulasyon.
Kung sino man aniya ang malalamang gumagawa nito ay dapat na patalsikin sa serbisyo o ipakulong.
Giit niya na kung nakapagbigay man ang isang asset ng isang magandang impormasyon ay dapat lamang na pera ang ibibigay bilang reward at hindi droga.