-- Advertisements --

Mananatiling sarado ang lahat ng first at second level courts sa National Capital Region (NCR) simula ngayong araw hanggang sa magkaroon ng pagbabago sa alert level status sa Metro Manila dahil na rin sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa isang circular na pirmado ni Court Administrator Jose Midas Marquez, ang naturang direktiba ay kasunod na rin ng pagpapalawig sa Alert Level 4 sa NCR hanggang Oktubre 15.

Pero puwede naman umanong magbukas ang mga korte kung may mahalagang bagay na kailangang idaan sa in-court proceedings.

Nasa discretion na umano ng presiding judge kung kailangan talagang magbukas ng mga korte.

Lahat naman ng mga first at second level courts sa NCR ay kailangang ipagpatuloy ang kanilang operasyon online at magsagawa ng videoconferencing hearings sa mga nakabinbing kaso at iba pang mahahalagang bagay para hindi maantala ang pagdinig sa mga kaso maging ang court processes.

Puwede namang humingi ng update sa mga korte sa pamamagitan ng kanilang mga hotlines at email addresses na naka-post sa Supreme Court (SC) website.

Suspendido rin ngayong Oktubre ang paghahain ng mga mosyon at service of pleadings.

Kailangan pa ring panatilihin ng mga korte at essential judicial offices ang 20 percent skeleton workforce para matugunan ang mga urgent matters at concerns.