Iginiit ng Department of Education (DepEd) na nananatiling mga isolated cases ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City at iba pang kamakailang insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay DepEd Undersecretary Malcolm Garma, hindi minamaliit ng ahensya ang mga pangyayari, ngunit wala pang indikasyon na laganap o malawakan ang ganitong uri ng karahasan sa mga eskwelahan.
Gayunpaman, kinilala niya ang pangangailangang mas higpitan ang pagpapatupad ng mga school safety measures at palakasin ang koordinasyon sa mga magulang at komunidad.
Matapos ang Tacloban shooting na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng dalawampu pa, sinabi ng DepEd na nire-review na nito ang pagpapatupad ng mga polisiya sa seguridad sa paaralan.
Kabilang sa mga hakbang ang paggamit ng CCTV cameras, paglalagay ng security guards, random bag inspections, at metal detectors sa mga paaralan.
Binanggit din ng DepEd na mayroon nang umiiral na guidelines sa school safety sa ilalim ng DepEd Order No. 6, Series of 2026, ngunit ang hamon ngayon ay kung gaano ito kahigpit na naipatutupad sa bawat paaralan.
Samantala, nagpapatuloy ang pagbibigay ng psychosocial support sa mga biktima, guro, at mag-aaral na naapektuhan ng insidente sa Tacloban.
















