LEGAZPI CITY – Sakop din ng ipinalabas na Wage Order No. 20 ng Regional Tripartite, Wages and Productivity Board-5 ang mga kasambahay na nagtatrabaho sa Bicol.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE)-Bicol Dir. Joel Gonzales, karapatan din ng mga kasambahay na mabigyan ng sapat na suweldo kasunod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nangangahulugan ito na mula sa dating P3,000 na sahod ng mga kasambahay, magiging P3,500 ito. Habang magiging P4,000 naman sa mga nasa first class municipalities at lungsod.
Matatanggap ang dagdag na P1,000 kada buwan ng mga nagtatrabaho sa mga lungsod ng Legazpi, Ligao at Tabaco sa Albay, tulad din sa mga lungsod ng Iriga, Naga, Sorsogon at Masbate.
Dagdag pa ni Gonzales na kinakailangang malaman ng mga ito ang kanilang karapatan kasabay na ang pagbibigay ng mga benipisyo at pagtiyak sa right of privacy.
Samantala, maliban sa mga kasambahay ay hiling din ng ahensya na maproktektahan ang mga amo o employer.
Dahil dito kaya kinakailangan aniya na humingi ng barangay at NBI (National Bureau of Investigation) clearance para malaman ang pinagmulan at background ng mga kasambahay.
Ito ay kasunod ng ilang minsidente ng panloloko at pagnanakaw kung saan nabibiktima ang mga employer.