DAGUPAN CITY – Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagpaslang kay dating Provincial director retired police general Marlo Chan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Col. Redrico Maranan, provincial director ng Pangasinan PNP, inirekomenda nila sa regional director na ipasakamay na ang imbestigasyon sa regional special investigaton task group dahil ang biktima ay naitalaga nang nabubuhay pa sa iba’t ibang lugar at layunin ding mas maraming resources na magamit tungo sa mabilis na imbestigasyon.

Ayon kay Maranan, mayroon na silang nahuling person of interest na kasalukuyan na ring nakakulong.

May iba pa umano silang mga person of interest na tinututukan para makita ang lawak ng mga taong nagsabwatan para maisagawa ang krimen.

Sa kasalukuyan ay patuloy na pinag-aaralan ng mga imbestigador ang mga nakalap na ebidensya.

Tiniyak naman nitong lalabas ang resulta ng imbestigasyon sa takdang panahon.

Matatandaan na lulan si retired Police Sr. Supt. Marlou Chan ng kaniyang sasakyan habang binabagtas ang kahabaan ng Brgy. Nalsian, Calasiao, nang bigla nalamang itong tambangan at pinaulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga suspek.