Nagpahayag ng suporta ang kalipunan ng mga punong barangay sa Island Garden City of Samal sa probinsya ng Davao del Norte para sa itatayong Samal Island-Davao City Connector Project.
Nanguna na naturang pagpupulong sina National Economic and Development Authority director general Secretary Arsenio Balisacan, Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib, DPWH at mga opisyal ng IGaCoS LGU.
Lumahok sa nasabing miting ang 43 sa 46 na mga kapitan ng barangay ng syudad na naganap noong Sabado, ika-8 ng Oktubre.
Ipinahayag ng mga barangay captains ang malaking tulong na maibabahagi ng nasabing proyekto sa turismo, panghihikayat sa mga mamumuhunan sa isla, at pag-unlad ng mga barangay na makakabenepisyo sa gagawing tulay na magdudugtong sa mga syudad ng Davao at Samal Island.
Ikinalungkot naman ng mga kapitan ang mariing pagtutol ng pamilya Rodriguez-Lucas na nagmamay-ari ng resorts sa isla na maapektuhan ng nasabing proyekto, dahil na rin sa posibleng epekto nito sa mga katubigan ng isla.
Ngunit, diniin din ng kapulungan na may mga pamamaraan ang gobyerno upang matugunan ang posibleng pagkasira ng mga katubigan.
Una nang ipinahayag ni Mayor Al David Uy na matagal nang inaasam ng dalawang syudad na mangyari ang gagawing tulay.
Pahayag ni Secretary Balisacan, prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasinaya sa pinamalaking proyekto sa Mindanao, at nag-aasam din ito na maresolba ang anumang gusot sa pagpapatayo sa Samal-Davao Bridge.