Hindi bababa sa anim na bahagi ng kalsada sa Luzon at Mindanao ang nasira dahil sa pananalasa ng bagyong “Egay”, ayon sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH)
Dalawang road section sa SOCCSKSARGEN at Cordillera Administrative Region (CAR) ang kasalukuyang hindi madaanan sa lahat ng uri ng transportasyon dahil sa nasira na cross drainage at gumuhong pavement.
Sa kabilang banda, tatlong seksyon ng kalsada at isa sa Region IV-B ang may limitadong daanan dahil sa gumuhong simento at malawakang pagbaha.
Sa Rehiyon XII Sultan Kudarat, kasalukuyang hindi nadadaanan ang Awang-Upi-Lebak-Kalamansig-Palimbang-Sarangani Road dahil sa nasirang cross drainage at gumuho ring pavement.
Naglagay na ng warning signs ang DPWH at nagpakalat na ng manpower at equipment na may koordinasyon sa mga local government units (LGU).
Sa CAR Mt. Province, ang Baguio – Bontoc Road ay sarado na upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Nagbigay ang departamento ng mga alternatibong ruta para sa mga motorista at magaan na sasakyan, partikular ang Salin-Bolicanao Provincial Road.
Nagsagawa na ng action ang DPWH sa mga apektadong lugar sa pamamagitan ng patuloy na clearing operations at patuloy na pagsubaybay sa mga tulay at kalsada sa buong bansa.