-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Maraming italyano na ang lumikas at nagtungo sa mga kabundukan at mga lawa na malayo sa siyudad matapos na ideklara ang nationwide lock down sa Italy.

Ito ay para makaiwas na rin sa Corona Virus Disease o COVID 19

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Nita Betuing Caregiver sa Milan, Italy na marami na ring nagsasara ng negosyo upang takasan ang COVID 19 at manatili na lamang sa kanilang mga bahay o sa kabundukan na malayo sa mga lunsod.

Tanging makikitang bukas ay mga pharmacy at supermarket.

Mahigpit na ring ipinapatupad ang automatic lock down ng mga pintuan ng mga supermarket pagsapit ng alas-sais ng gabi kung saan iisa nalamang ang nagsisilbing entrance at exit ng mga mamimili.

Sinabi pa ni Betuing na ipinagbabawal na rin sa publiko ang pagpasok sa main entrance o unahang bahagi ng mga public transport tulad ng tren matapos itong kordonan ng mga otoridad.

Dahil sa mahaba ng pila sa mga pamilihan at supermarkets ay napipilitan na lamang silang bumili ng kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng online shopping.

Wala naman anya siyang nakikitang epekto sa mga OFW sa Italya kaugnay sa covid 19 dahil patuloy pa rin ang pagpapadala ng remittance gamit ang online banking ng mga remittance center.