-- Advertisements --
PNP headquarters office Camp Crame Wikipedia

Agad nagpadala ang Philippine National Police ng mga imbestigador sa Department of Justice upang hingan ng salaysay ang lumutang na kapatid ng umano’y middleman sa loob ng New Bilibid Prison na si Jun Villamor sa kasong pagpatay kay Percy Lapid.

Ito nga ay matapos na ipahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hawak na nila ang kapatid ni Villamor na si alyas “Marisa” na siyang nagsiwalat sa mga huling habilin ng pumanaw na umano’y middleman sa kaso na nagsasabing ingatan ang sekreto atsaka ilabas ito kapag siya ay namatay na.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni Special Investigation Task Group Lapid commander at Southern Police District Director Brigadier General Kirby John Kraft na agad nilang pinatakbo ang kanilang imbestigador mula Las Pinas City Police Station patungo sa Department of Justice upang agad na idokumento at makuhaan ito ng sinumpaang salaysay na maaari nilang gamitin bilang supplemental evidence sa naturang kaso.

Aniya, ang mga impormasyong ibinigay ni alyas “Marisa” ay isang malaking tulong para sa pulisya para sa kanilangi mas mabilis na paglutas sa kaso ni Percy Lapid.

Batay daw kasi sa mga impormasyong nakapaloob sa mga text at tawag mula sa telepono ng nasabing witness ay malalaman ng mga otoridad kung talagang totoo ang sinasabi ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.

Samantala, una rito ay sinabi na rin mismo ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. Sa isang pahayag na makikipag-ugnayan rin ang pulisya kina Senator Raffy Tulfo at Social Welfare Secretary Erwin Tulfo upang hilingin na i-turnover sa mga otoridad ang cellphone na ipinakita ng kapatid ng namayapang “middleman” bilang bahagi ng ebidensyang posibleng makakapagturo sa pinakamastermind sa naturang kaso ng pagpatay sa mamamahayag na sj Percy Lapid.