Nasa 30,183 public utility vehicles (PUVs) pa lamang sa ngayon ang nakakuha ng kopya ng bagong fare matrix na isa sa mga kondisyon sa implementasyon ng dagdag-pasahe.
Sa data mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakasaad na tanging nasa 17,496 units mula sa 182,615 passenger jeepneys ang nakakuha ng bagong fare matrix.
Para naman sa mga passenger bus, tanging nasa 6,697 units pa lamang ang nakapag-secure ng kopiya mula sa mahigit 20,000 units na pumapasada sa ilang mga ruta sa buong bansa.
Mula naman sa mahigit 45,500 taxis, tanging nasa 6,080 ang nakakuha pa lamang ng fare matrix.
Sa Transportation Network Vehicle Service (TNVS), ayon sa LTFRB hindi na kailangan pa ng mga ito na mag-secure ng fare matrix dahil ang bagong fare hike ay makikita sa application na ginagamit para sa transportation booking.
Una rito, inabisuhan ni LTFRB chairperson Cheloy Garafil ang publiko na huwag magbayad ng karagdagang pasahe kung walang naka-display na bagong fare matrix sa loob ng mga sasakyan.
Base sa polisiya ng LTFRB, ang first offense para sa mga iligal na paninigil ng taas pasahe ay papatawan ng multa na P5,000 at P10,000 para sa second offense.
Para naman sa third offense, ang penalty ay P15,000 at kanselasyon ng Certificate of Public Conveyance (CPC).