-- Advertisements --

Pinadalhan na ng Commission on Elections (Comelec) ng pormal na imbitasyon ang mga mahahalal sa pagkasenador bukas.

Ito ay para sa gaganaping proklamasyon ng 12 nanalong kandidato para sa pagkasenador bukas, Mayo 18, alas-4 ng hapon.

Sa ginanap ng press briefing kanina ng National Board of Canvassers for National at Local Elections 2022 ay ipinahayag ni Director Frances Arabe na nagpadala na sila ng email at notice of invitation sa mga nasabing kandidato.

Inabisuhan na rin ang kani-kaniyang team ng mga ipoproklama na magsuot ng kasuotang filipino bilang dress code sa nasabing pagtitipon.

Bukod dito ay sinabi rin ni Commissioner George Garcia na kabilang sa kanilang inimbitahan sa nasabing proklamasyon ay ang mga top government officials tulad nina Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Leni Robredo, Senate President Vicente Tito Sotto III, house speaker Lord Allan Velasco, at supreme court chief justice Alexander Gesmundo bilang mga panauhin ng nasabing aktibidad.

Aniya, sa ngayon ay wala pang nagkukumpirma sa mga ito ng kanilang pagdalo ngunit kung sakali raw na dumating ang mga ito ay posibleng magkaroon ng ilang pagbabago sa arrangement at set up sa area bilang pagsunod na rin sa mga protocols na kanilang sinusunod.

Hindi naman na kinakailangan pa na magsumite ng RT-PCR test o anti-gen test ang mga indibidwal na dadalo sa nasabing pagtitipong vaccination card na lamang kailangan nilang maipakita.

Samantala, narito ngayon ang kasalukuyang partial and official vote count ng top 12 winning senators ngayong eleksyon:

  1. Robin Padilla – 26,494,737
  2. Loren Legarda – 24,183,946
  3. Raffy Tulfo – 23,345,261
  4. WIN GATCHALIAN – 20,547,045
  5. CHIZ ESCUDERO – 20,240,923
  6. MARK VILLAR – 19,403,685
  7. ALAN PETER CAYETANO – 19,262,353
  8. MIGZ ZUBIRI – 18,663,253
  9. JOEL TESDAMAN VILLANUEVA – 18,439,806
  10. JV EJERCITO – 15,803,416
  11. RISA HONTIVEROS – 15,385,566
  12. JINGGOY ESTRADA – 15,071,213