BAGUIO CITY – Nananatiling malakas ang loob ng mga Igorot na nagtatrabaho sa China sa kabila ng epekto ng coronavirus disease.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay International Correspodent Jen Marcos, isang OFW sa China mula Mountain Province, inilahad niyang pinagsisikapan ng mga Igorot doon na palakasin ang kanilang resistensya para makaiwas sila sa virus.
Ipinagmalaki niyang napapanatili nila ang magandang kalugusan dahil sa pagkain ng mga masusustansya.
Dagdag pa nito na isa sa mga diskarte ng mga gurong Igorot sa nasabing bansa ang magturo online para makaiwas sila sa naturang sakit.
Inihayag pa niyang ang mga domestic helper doon ay hindi na rin lumalabas kahit holiday para maprotektahan nila ang kanilang sarili laban sa COVID-19.
Masayang ipinagbigay-alam ni Marcos na malaki ang suportang inilalaan ng pamahalaan ng China sa mga OFWs.
Aminado naman ito na natatakot at nangangamba din sila pero nakatitiyak itong hindi sila pababayaan.
Nakikiusap ito sa mga kapwa Pinoy na patuloy silang ipagdasal para maging ligtas laban sa COVID 19.