BUTUAN CITY – Matagumpay na na-detonate ng tropa ng 23rd Infantry “Masigasig” Battalion, Philippine Army, ang mga improvised explosive devices (IEDs) at mga bomb-making materials na nakumpiska sa serye ng combat operations na isinagawa nila sa Agusan del Norte.
Ginawa ang detonation sa kanilang headquarters sa Jamboree Site, Purok 6, Barangay Alubihid, sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte.
Ito’y sa pangunguna ng mga Explosive and Ordnance teams ng 23rd at ng Philippine National Police Mobile Force Battalion.
Kasama sa pinasabog ang walong anti-personnel mines at ang 254 na pakete ng ammonium nitrate na inilagay sa 11 mga plastic containers.
Ayon kay Lt. Col. Julius Cesar Paulo, acting 23rd IB commanding officer, layunin ng disposal ang pagbigay ng impormasyon kung gaano kapaminsala sa mga tao, ari-arian at komunidad lalo na sa mga inosenteng sibilyan ang nasabing mga eksplosibo.