Nanawagan ang Department of Agriculture sa mga nag-aalaga ng baboy na kumuha ng insurance packages para matiyak ang kanilang pagbangon sakali mang maapektuhan ang kanilang babuyan nang African Swine Fever.
Sa isang statement, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na pinapaigting ng kagawaran ang kanilang mga ginagawang hakbang upang sa gayon ay matulungan ang mga hog raisers na makabangon sa kanilang negosyo, at maibalik na rin sa wastong bilang ang pork production sa bansa.
Sa ngayon, sinabi ng kalihim na mayroong iniaalok na livestoc insurance ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), na maaring kunin ng mga magbababoy.
Ayon kay PCIC president Atty. Jovy Bernabe, kasama ang ASF sa listahan na sakop ng livestock insurance noon pang 2019 nang unang kumalat ang ASF.
Aabot ng P10,000 ang insurance sa bawat alagang baboy, na maaring bayaran sa premium na tanging 2.25 percent o P225.
Binibigyan ng libreng insurance ang mga maliliit na backyard raisers kung sila ay kasama sa listahan ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Magkaiba ang insurance coverage na ito sa ASF indemnification claims, kung saan eligble ang mga beneficiaries ng P5,000 assistance kada baboy na sasailalim sa culling.










