Maari nang magparehistro para makapagpabakuna kontra COVID-19 ang mga guro at school personnel sa kanikanilang mga local government units.
Ayon sa Department of Education, kahit walang comorbidity o hindi pa senior ang isang guro o school personnel ay maari na itong magpatala sa kanikanilang mga lugar para makapagpaturok ng COVID-19 vaccines.
Subalit ayon kay Education Undersecretary Annalyn Sevilla, dipende pa rin ito sa volume o supply ng bakuna ng mga LGUs.
Kaya naman nananawagan ngayon ang mga opisyal ng kagawaran na magpabakuna na rin kontra COVID-19 sa lalong madaling panahon upang sa gayon ay maayos at ligtas na makakapagbukas na rin ng mga paaralan.
Kamakailan lang, ilang mga empleyado ng tatlong higher education institutions sa Metro Manila ang nakatanggap na ng kanilang first dose ng COVID-19 vaccines sa isinagawang “symbolic vaccinations” bilang bahagi ng unang National Higher Education Day.
Mababatid na ilang mga grupo ang umaapela sa reopening ng mga paaralan kahit sa gitna ng COVID-19 pandemic.










