-- Advertisements --

Nakatakdang makatanggap ng cash allowance ang mga public school teachers sa linggong ito, ayon sa Department of Education (DepEd).

Ayon kay DepEd spokesman Michael Poa, kasabay ng unang linggo ng balik-eskwela ngayong taon ay matatanggap na rin ng mga guro mula sa mga pampublikong paaralan ang kanilang Php5,000 na annual cash allowance o “chalk allowance” na sisimulan namang ipamahagi mula ngayong araw, Agosto 21.

Ito aniya ay bilang pandagdag sa mga panggastos ng mga guro para sa paghahanda sa muling pagbubukas ng klase sa Lunes, Agosto 22, tulad na lamang ng pagbili ng mga kakailanganin nilang gamit para sa pagtuturo, internet subscription, iba pang communication expenses, at maging ang kanilang annual medical examination expense para sa schoolyear na ito.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay binigyang-diin ng ilang guro na ang nabanggit na benepisyong ito ay hindi ayuda ng pamahalaan para sa kanila kundi kabilang talaga anila sa kanilang regular benefit.

Habang idinagdag naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na hindi pa rin sasapat ito upang tugunan ang lahat ng teaching-related concerns ng mga guro para sa taong ito dahilan kung bakit anila napipilitan ang mga ito na mangutang pambili ng kanilang mga laptop, printer, at projector na mahalaga sa kanilang mga trabaho kaya’t patuloy din ang kanilang panawagan na taasan pa ito ng hanggang Php10,000.

Matatandaan na noong nakaraang taon lang itinaas ng pamahalaan sa halagang Php5,000 ang halaga ng cash allowance ng mga guro mula sa dating Php3,500 noong 2018 na dahil sa dagdag gastos ng mga guro na may kaugnayan naman sa pagpapatupad ng distance learning sa mga paaralan sa bansa bilang pag-iingat sa bantang hatid ng COVID-19.