-- Advertisements --


Pinayuhan ni DENR Usec. Benny Antiporda ang publiko na ihiwalay ang mga gamit nang face masks mula sa iba pang mga basura.

Sa isang panayam, sinabi ni Antiporda maari ring i-disinfect ang mga gamit nang face mask sa pamamagitan nang paglalagay o spray ng bleach sa mga ito upang maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.

“Kung sakali naman na mahahalo talaga natin, pakibugahan ng sodium hypochlorite… Bale 10 to 15%, puwede ‘yun at 85 to 90% naman po ‘yung tubig.  Haluin lang natin ‘yan. ‘Yun ang ibuga natin diyan,” dagdag pa nito.

Kung maari aniya, ang mga gamit nang face masks ay itapon sa tinatawag na “yellow bag” upang sa gayon ay hindi na ito mahalo pa sa household waste.

Nabatid na sa hospital waste management, ang mga highly infectious waste ay itinatapon sa yellow bags, ayon sa World Health Organization.

Samantala, tiniyak naman ni Antiporda, na kasalukuyang naka-self quarantine, na maayos naman ang waste disposal ng mga ospital sa Pilipinas.

Sa katunayan ay dumadaan pa nga sa treatment ang mga basurang nakokolekta mula sa mga ospital.