Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na hinding-hindi masasayang ang pera at pondo ng taumbayan sakaling matuloy na talaga ang pagpapabilan sa Barangay at SK election sa darating na Disyembre.
Sinabi ito mismo ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kasabay ng pagbanggit na isa ito sa mga structural reforms na isinasagawa ng komisyon.
Ayon kay Garcia, bagama’t mainit na usapin ngayon ang pagpapaliban sa gagawing local elections sa bansa ay patuloy pa rin aniya ang isinasagawang paghahanda ng komisyon ukol dito.
Ngunit nilinaw niya na walang masasayang sa lahat ng kagamitang binili ng komisyon para sa December barangay at SK elections dahil hindi naman ito agad na masisira at maaari pa ring gamitin sa susunod na halalan sakaling matuloy nga ang desisyon ng Kongreso na muli itong ipagpaliban.
Samantala, sa bukod na pahayag ay isinawalat din ni Garcia na sakaling maisapinal na nga ang postponement sa baranggay at local elections sa Disyembre ay kakailanganin nila ng mas malaking pondo.
Sakali kasing ipagpaliban ang nasabing halalan ay ipagpapatuloy na lamang aniya ng Comelec ang kanilang naudlot na voter’s registration kung saan nasa tatlo hanggang apat na milyong mga botante ang inaasahang magpaparehistro dahilan kung bakit madagdagan ang gastos nito para naman sa pagprocure ng mga dagdag na kagamitan at pangangailangan sa eleksyon tulad ng dagdag na ballot box, polling precincts, at iba pa kabilang na ang dagdag na mga poll workers.