
Hindi rin lusot ang mga foreign students na nag-aaral ngayon sa bansa sa sakop ng panukalang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa Pilipinas.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na wala siyang nakikitang ligal na problema kung isasama ang mga foreign students sa naturang panukala.
Paliwanag niya, ito raw kasi ay isang general rule at walang exemption ang dapat na pagpapatupad nito.
Aniya, bagama’t hindi sapilitan ang sa mga ito na mahalin, at mag-alay ng buhay para sa ating bansa ay hindi aniya nangangahulugan nito na exempted na ang mga ito sa ROTC.
Dagdag pa ng mambabatas, sakali raw na maipasa na ang panukalang ito at tuluyan nang maging isang batas ay kakailanganin ng sumailalim sa basic ROTC ang lahat ng mga mag-aaral sa Higher Educational Institutions and Technical Vocational Institutions, dahil kung hindi, ay hindi mapapayagan ang mga ito na maka-graduate.
Kaugnay nito ay nilinaw din niya na magkakaroon naman ng “specialized program” para sa mga students with disabilities, mga mag-aaral na mayroong religious beliefs na nagbabawal gumamit ng mga armas, at gayundin ang mga indibidwal na convicted by final judgment of crimes na kinasasangkutan ng moral turpitude.
Bukod sa mga ito ay ire-require din ang mga foreign citizen na naka-enroll sa baccalaureate degree courses or technical vocational courses na sumailalim sa specialized program ng basic ROTC na magpapalalim pa sa kanilang kamalayan at appreciation sa Pilipinas, mga mamamayan nito, lipunan, kultura, pamahalaan, at gamitin ang kanilang potensyal bilang tulay upang mapabuti pa ang ugnayan ang kani-kanilang bansa sa Pilipinas.










