-- Advertisements --

Bukod sa mga aplikante at mga trabahador ay obligado na rin na kumuha ng PhilHealth ang mga mag-aaral sa kolehiyo.

Sa kabila ito ng parami pa ng parami na mga kolehiyo at unibersidad na nagbubukas para sa face-to-face classes sa gitna ng kinakaharap pa rin ng pandemya ng bansa.

Sa isang statement ay sinabi ni PhilHealth vice president for corporate affairs Dr. Shirley Domingo na sa oras na tumuntong na sa edad na 21 pataas ang mga naturang mag-aaral ay kinakailangan na maging primary members na sila ng PhilHealth, habang ang mga estudyante naman na wala pang 21 anyos ay mananatiling dependent pa rin sa kanilang mga magulang na miyembro ng PhilHealth.

Kaiba sa mga miyembro nito na nagtatrabaho na at may kakayahan nang magbayag ng kontribusyon na P300 kada buwan ay maaaring magpatala bilang “indigent” ang mga estudyanteng wala pang trabaho, gayundin ang mga hindi pa kayang magbayad ng nasabing halaga ng kontribusyon.

Samantala nagpaliwanag naman ang PhilHealth na sinusunod lang daw nila ang ipinag-utos ng Department of Health (DOH) at Commission on Higher Education (CHED) na nakapaloob sa nilagdaang joint memorandum ng dalawang ahensya.