-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila isasailalim sa surveillance ang mga paaralan na tinukoy ng AFP na recruitment ground ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay PNP Chief Albayalde, direktang makikipag-ugnayan ang PNP sa mga pamunuan ng mga naturang paaralan upang malaman kung ano ang maaaring maitulong sa kanila ng para hadlangan ang recruitment activities ng NPA kung mayroon man.

Pero hindi aniya ibig sabihin nito na babantayan ng PNP ang mga estudyante, bagkus, magiging available lang ang mga pulis para linawin ang anumang mga katanungan ng mga mag-aaral.

Kung ayaw aniyang makipagtulungan ng mga pamunuan ng mga paaralan, wala naman daw silang magagawa.

Una nang inamin ng PNP chief na may natanggap silang intelligence report kaugnay sa ginagawang paghimok ng ilang mga professor sa kanilang mga estudyante para lumaban sa gobyerno.

Sa panayam kay PNP chief, sinabi nito na ang impormasyong nakarating sa kanila ay tinuturuan mismo ng ilang propesor ang mga estudyante kung papaano lumaban sa gobyerno.

Payo ni PNP chief sa mga magulang na palagiang imonitor ang mga anak para maiwasang mabiktima ng recruitment ng makakaliwang grupo.

Dahil dito, naniniwala si Albayalde na panahon para magkaroon ng direct intervention ang PNP sa mga eskuwelahan para labanan ang ginagawang paglilinlang ng NPA sa mga estudyante.

Kabilang sa mga isyu na ginagamit ng makakaliwang grupo ay ang mga nangyayaring insidente ng extra judicial killings sa bansa.