Nakatakdang dumagsa ang mga environmentalist at mangingisda sa Japanese Embassy ngayong araw upang iprotesta at tutulan ang planong pagpapalabas ng Japan ng 1.3 milyong metriko tonelada (MMT) ng treated radioactive wastewater mula sa Fukushima Daiichi nuclear power plant patungo sa Pacific Ocean.
Sa isang pahayag, iginiit ng grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na ang treated wastewater mula sa nuclear power plant ay maaaring umabot at makontamina ang marine resources at biodiversity ng eastern archipelago ng Pilipinas.
Ayon sa nasabing grupo, ang kannilang pagsalungat laban sa Fukushima radioactive discharge ay batay sa concrete science na ang karagatan ay natural na umiikot at ang agos nito ay tinutukoy ng direksyon ng hangin.
Dagdag dito, sa partikular na kaso na ito, ang nakakalason na wastewater anila ay malamang na makakarating sa karagatan ng Pilipinas sa panahon ng Northeast Monsoon ngayong ikalawang kalahati ng taon.
Sinabi ng Pamalakaya na ang pagtatapon ng wastewater sa Pacific ocean ay maaaring magdulot ng pangmatagalan at matinding kahihinatnan sa domestic fisheries production at abundant marine biodiversity.
Giit ng grupo na hinihiling nila sa gobyerno ng Japan na itigil ang sakuna sa kapaligiran na ito, at sa halip ay maghanap ng mga alternatibong paraan upang itapon ang kanilang nuclear waste sa ibang lugar.
Sa kabila nito, pinaninindigan pa rin ng Japan na ligtas umano ang pagpapakawala ng naturang treated wastewater nito sa karagatan.