-- Advertisements --

Pinapaalalahanan ng Employees’ Compensation Commission ang mga empleyado na tinamaan ng COVID-19 habang ginagampanan ang kanilang trabaho ay maaring makatanggap ng P10,000 mula sa kanila.

Ayon kay ECC senior information officer Alvin Garcia, ang cash assistance na ito ay hiwalay sa benefits mula sa Social Security System at Government Service Insurance System.

Maaring mag-avail din aniya ang mga empleyado na nagpositibo sa COVID-19 noong nakaraang taon.

Subalit nilinaw ni Garcia na hindi covered sa cash assistance na ito ng ECC ang mga empleyado na nasa ilalim ng work-from-home arrangement mula nang ipinatupad ang community quarantines.

Gayunman sa ngayon ay pinag-aaralan na rin aniya ng mga medical expers ang coverage para sa mga work-from-work employees na tinamaan ng COVID-19.

Para makuha ang P10,000 assistance na ito mula sa ECC, kailangan na makapag-fillout ng forms na makukuha mula sa websites ng ECC, SSS at GSIS; certificate of employment kung saan nakasaad dapat ang huling petsa kung kailan pumasok ang isang empleyado bago ito nagpositibo sa COVID-19; swab test result; medical certificate o quarantine clearance; at dalawang valid IDs.

Abril ng kasalukuyang taon nang aprubahan ng ICC ang pagkakasama ng COVID-19 sa kanilang listahan ng occupational at work-related compensable disease.