CAUAYAN CITY – Nakikipagtulungan na ang ilang Dumagat at mangangaso sa ginagawang ground search ng binuong Rescue Team ng Pamahalaang Lokal ng Divilacan, Isabela katuwang ang rescue Maconacon, at mga sundalo ng 5th Infantry Division Philippine Army.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Venturito Bulan, sinabi niya na agad silang bumuo ng team na mangunguna sa ground search matapos mapabalita ang pagkawala ng Cessna 206 plane noong araw ng Martes na binubuo ng joint rescue team ng Divilacan, Maconacon at Palanan katuwang ang Philippine Army.
Kinausap na rin nila ang mga Dumagat, kabilang ang ilang mangangaso para tumulong sa paghahanap at binigyan nila ng makakain sa loob ng tatlong araw na ground search.
Ayon kay Mayor Bulan, kinausap niya ang mga makakahanap sa nawawalang eroplano na mabibigyan sila ng reward upang mapabilis ang paghahanap.
Nakatakdang bumalik ang rescue team sa bahagi ng Dicaruyan kung saan namataan ang isang puting bagay sa bulubunduking bahagi nito subalit hindi ito nakumpirma dahil sa nabalot ang kabundukan ng makapal na ulap.
Nanawagan Si Mayor Bulan sa mga residente ng Divilacan maging sa mga kalapit bayan na makipagtulungan sa paghahanap sa eroplano upang mailigtas ang mga biktima na kinabibilangan ng ilang menor de edad.