Hiniling ng gobyerno ng United States sa Commission on Elections (Comelec) na magbigay ng mga dokumento para sa kaso laban kay dating poll body chief Andy Bautista na nahaharap umano sa kasong money-laundering at bribery sa America.
Ayon kay COMELEC CHairman George Garcia, ang gobyerno ng US ay nakipag-ugnayan at humingi ng tulong sa Comelec ukol sa nasabing kaso.
ANiya, ibinigay ng komisyon ang lahat ng hiniling ng US government upang maging transparent at harapin ang katotohanan.
Bagama’t humiling ang US government ng ilang testimonya at dokumento, sinabi ni Garcia na hindi sila naabisuhan tungkol sa background ng reklamo laban sa dating Comelec chairman.
Umapela si Garcia sa gobyerno ng US na magbigay ng impormasyon sa mga kasong isinampa umano laban kay Bautista para na rin sa kaalaman ng kanilang tanggapan.
Matatandaan na ibinunyag ni Garcia na lumikha siya ng fact-finding task force para suriin ang lahat ng kontrata at maghanap ng mga kaugnay na impormasyon kaugnay sa pagbili ng automated election system (AES) machines noong 2016.
Si dating Comelec Chairman Andy Baustista ay nahaharap sa mga reklamo sa money laundering sa United States dahil sa tangkang paglipat ng $4 milyon mula sa apat na executive ng Smartmatic subsidiaries.