athletes village sea games tarlac

Patuloy na umaani ng papuri at pasasalamat mula sa mga sports officials at atletang dayuhan ang pagho-host ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games (SEA Games).

Partikular na rito ang pag-iral ng pusong Pinoy kahit kapalit nito ang siguradong pagkapanalo sana ng gintong medalya.

Todo-todo ang pasasalamat ng Indonesian sports officials sa Pilipinas lalo na sa Pinoy surfer na si Roger Casugay matapos nitong iligtas ang karibal na Indonesian surfer na si Mencos Cosomen, habang naglalaban ang mga ito sa isang surfing event sa Monaliza Point sa La Union.

Nangunguna sa kompetisyon si Casugay ngunit isinantabi nito ang panalo ng gintong medalya at binalikan si Cosomen hanggang ligtas na naibalik sa pampang.

Todo-todo rin ang pasasalamat ng koponan ng Timor Leste sa mga Pinoy dahil sa suporta na manalo ang koponan ng medalya sa palaro.

Sa pinakahuling medal tally, ang Timor Leste na lamang ang hindi nakakadungkit ng anumang medalya sa SEA Games.

Marami sa mga sports officials at atleta ng Timor Leste ang nakatira ng libre sa Philipoine Sports Athlete’s dormitory sa Pasig.

“The hospitality has been amazing. Everyone has been great to us,” ayon kay taekwondo athlete Jennifer Lay.

Pinuri naman ni Thailand lawn bowl coach Daniel John Simmons ang pasilidad sa Clark Freeport, isa sa mga venue ng lawn bowl competition.

Ayon kay Simmons, nakakabilib ang ginawa ng Pilipinas na isang world-class sports facility sa loob lamang ng 40 araw.

“Traditionally, to put up a facility like this would usually take 18 months but they have managed to put it up for only 40 days and to have this support and all of these things for Lawn Bowl in the Philippines is marvelous,” ayon pa kay Simmons.

Sinabi naman ng Malaysian official na si Abdul Kader, director general ng International Sepaktakraw Federation, na nakakamangha ang Sepak Takraw venue sa Subic gymnasium at tinawag niya itong pinakamagandang Sepak Takraw venue sa kasaysayan ng SEA Games.

Maging ang Olympic gold medalist swimmer na si Joseph Schooling ay napabilib sa kanyang nagubg karanasan sa 30th SEAG. “It’s awesome. It’s amazing. There is so much energy,” ani Schooling. Ipinagmalaki din ng swimmer ang kanyang yaya na isang Pinay na 10 taon ng naninilbihan sa kanyang pamilya.

Maliban sa naturang mga papuri ng iba’t-ibang delegasyon, sinabi rin ni Olympic Council of Asia Vice President Wei Jizhong na handa na ang Pinas para sa mas malaking sports events dahil magandang pagho-host ng 30th SEAG kaya hinikayat niya ang Pinas na lumahok sa bidding para sa 2030 Asian Games.