CAUAYAN CITY – Maaari nang magpatuloy sa kolehiyo sa pamamagitan ng Isabela State University (ISU) ang mga dating rebelde o miyembro ng New Peoples Army (NPA) na nagbalik loob sa pamahalaan.
Ito ang naging pahayag ni ISU System President Dr. Ricmar Aquino.
Aniya, isa sa mga bagong programa ng ISU katuwang ang Philippine Army ay ang pagbibigay ng prebilehiyo sa mga nagbalik loob na mga kasapi ng NPA na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng modular learning.
Kailangan lang na magtungo ang mga nasabing rebel returnees sa tanggapan ng ISU at pagkatapos ng ilang proseso ay makakakuha na ng mga work book na aaralin at sasagutan bago ipapasa ulit sa ISU.
Ang mga makakapagtapos sa modular learning ay mabibigyan din ng degree tulad ng formal schooling.
Ang naturang hakbang ay dahil sa panghihinayang sa mga dating rebelde na isang taon na lang ay magtatapos na sana sa kolehiyo subalit natigil sa pag-aaral dahil sa panlilinlang ng makakaliwang grupo.