-- Advertisements --

Hindi maaring basta itago ang mga COVID-19 vaccines inaasahang darating sa Pilipinas sa Linggo lalo pa ngayong marami ang naghihintay na maturukan nito para sa kanilang proteksyon, ayon kay dating Health Secretary at kasalukuyan ay Iloilo Rep. Janette Garin.

Sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo, sinabi ni Garin na dapat matuloy ang immunization gamit ang darating na 500,000 doses ng Sinovac vaccines ng China dahil mahalaga ito sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19 pandemic.

Ito ay kahit pa hindi inirerekomenda ng Food and Drugs Administration (FDA) ng Pilipinas ang paggamit ng bakunang Sinovac sa mga health workers dahil ayon sa director general ng ahensya na si Dr. Eric Domingo nasa 50.4 percent lamang ang efficacy rate nito sa clinical trials na isinagawa sa Brazil.

Ang impormasyon na ito ang kailangan na maiwasto at maipaabot ng mabuti sa publiko, ayon kay Garin.

Ayon kay Garin, “confusing” o nakakalito ang mga impormasyon na lumulutang ngayon patungkol sa mga bakuna, kabilang na ang sa Sinovac.

Iginiit ng kongresista na lahat ng mga bakuna, na nabigyan ng emergency use authorization (EUA) ng FDA ay ligtas na gamitin dahil napatunayan na ang efficacy at safety ng mga ito.

Kahapon, sa isang press briefing, sinabi ni UP-PGH director Gap Legaspi na ang sinasabing 50 percent efficacy rate ng Sinovac ay tumutukoy sa kakayahan ng bakuna na malabanan ang mild symptoms ng COVID-19.

Pero kung titingnan naman, sinabi ni Legaspi na ang Sinovac ay 70 percent ang probability na malabanan ang moderate symptoms at 100 percent kontra severe symptoms.

Gayunman, iginiit ni Garin na anumang bakuna, kahit saan mang bansa gawa ang mga ito, dapat aniyang maintindihan ng publiko na hindi naman nangangahulugan ay hindi na rin matatamaan pa ng sakit.

Kapag magpabakuna, sinabi ng kongresista na lumalaki ang kakayahan ng katawan ng isang tao na lumaban sa sakit.

Mas mainam pa rin aniya ang magpabakuna kaysa wala at palaging nahaharap sa banta ng COVID-19.