-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tiniyak ng Department of Health na isasailalim sa quarantine ang lahat ng international vessel na dadaong sa seaports sa Western Visayas.

Ang nasabing hakbang ay upang hindi na madagdagan ang mga pasyenteng nadapuan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Mary Jane Juanico, pinuno ng Infectious Disease Section ng Department of Health 6, sinabi nito na kabilang sa seaports na binabantayan sa ngayon ay sa Aklan; Concepcion, Iloilo; Iloilo International Port sa La Paz, Iloilo City at Semirara, Antique.

Ayon kay Juanico, hindi kaagad papayagan na makadaung sa seaport ang international vessel dahil kailangan munang masiguro na ang lahat ng sakay ay negatibo sa COVID-19.

Upang matiyak na walang makalusot na COVID-19 positive, nagtutulungan ang Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Quarantine at Philippine Coast Guard.

Kung chinese-looking naman ang pasahero, kaagad itong kukunan ng history of travel.

Sa ngayon patuloy ang panawagan ng ahensya sa lahat na sundin ang preventive measures at iwasan rin ang diskriminasyon.