-- Advertisements --

Lilimitahan ng Philippine Military Academy (PMA) ang makakadalo ng pisikal sa PMA Alumni Association Inc. (PMAAAI) General Assembly at PMA Alumni Homecoming sa darating na Pebrero 18 hanggang 19.

Ayon kay 1st Lt. Christine May Calima, Public Affairs Office chief ng PMA, ang aktibidad na idaraos sa grandstand ay gagawing “hybrid” ang physical at online attendance bilang pagsunod sa umiiral na health protocols at sa mga alituntunin ng Baguio City.

Aniya, ang mga panauhing pandangal sa dalawang aktibidad na sina Pangulong Rodrigo Duterte at House Speaker Lord Allan Velasco ay dadalo “virtually.”

Habang ang ibang PMA alumni ay makikibahagi sa mga aktibidad sa pamamagitan ng video teleconference.

Ang mga alumni at panauhin na pisikal na dadalo sa aktibidad ay iisyuhan ng pass cards para makadaan sa checkpoints papasok sa Baguio City.

Kailangan din na fully vaccinated ang mga dadalo ng pisikal at obligadong magprisinta ng negative antigen test na kinuha ng hindi lagpas sa 24 oras bago papasukin sa kampo.

Ang tema ng PMAAAI General assemby at PMA Alumni Homecoming 2022 ay “Mga PMA Cavaliers: Tunay na kaagapay ng Sambayanang Pilipino sa Panahon.”