Isiniwalat ng AFP ang namataang mga sasakyang pandagat ng Chinese maritime militia (CMM) sa lugar ng West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni AFP Western Command (Wescom) chief Vice Adm. Alberto Carlos na naobserbahan ng militar ang mas malaking presensya ng mga CMM vessel sa Iroquois Reef at malapit sa Pag-asa Island nitong nakaraang dalawang buwan.
Aniya, hindi na sila umaalis sa lugar, kaya naghahanda na ang tropa para sa paghahain ng diplomatic protest.
Idinagdag ni Carlos na ang Wescom ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa National Task Force para sa West Philippine Sea (NTF WPS) para sa paghahain ng mga protesta sa China.
Ang Pag-asa, ay matatagpuan mga 480 kilometro sa kanluran ng lungsod ng probinsiya ng Palawan.
Ito ang pinakamalaki sa siyam na tampok na inookupahan ng Pilipinas sa Spratly Islands.
Nauna nang iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na namataan ang pinakamalaking bilang ng mga sasakyang pandagat ng China na binabantayan sa Ayungin Shoal—na nasa 38—kung saan 28 ay Chinese Maritime Militia habang lima ay mula sa China Coast Guard (CCG) at limang iba pa mula sa People’s Liberation Army Navy.