LA UNION – Nanatiling palaisipan pa rin sa pulisya ang ang motibo sa nangyaring paglusob at pamamaril sa loob ng computershop na ikinasawi ng tatlong manggagawa nito sa lungsod ng San Fernando, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Col. Silverio Ordinado Jr., spokesperson ng La Union Police Provincial Office, sinabi nitong kasalukuyang pinag-aaralan ng Police Cyber Crime Group ang mga nakolektang video footeges mula sa mga CCTV camera na nakapalibot sa Shania Kenny Merchandise at sa iba pang gusali.

Ito ay para sa posibleng pagtukoy aniya sa mga salarin na lumusob sa naturang computer shop.

Ayon kay Ordinado, hindi pa rin sila makakapagbigay ngayon ng konklusyon sa insidente dahil patuloy pa ang pagkalap nila ng mga ebidensya at testimonya ng mga testigo.

Ngunit, hindi rin isinasantabi ng pulisya sa pagsisiyasat kung may kinalaman ito sa unang nangyaring pamamaril at tangkang pagpatay sa may-ari ng nabanggit na computer shop sa isa nilang branch o sangay noong July 2016 sa lungsod.