-- Advertisements --

Maaaring muling isailalim sa refresher course ang anim na mga pulis na sangkot sa umano’y maling pamamaraan ng pagresponde sa isang insidente ng holdapping sa bahagi ng lungsod ng Maynila.

Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo kasunod ng pagkakasibak sa puwesto nang dahil sa nasabing pangyayari.

Sa gitna ito ng nagpapatuloy na ginagawang imbestigasyon ngayon ng Philippine National Police upang alamin kung nagkaroon nga ba ng pagkakamali ang naturang mga rumespondeng pulis.

Nilinaw ni PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo na walang anumang dokumento o case folder ng mga pulis sa National Capital Region ang nawawala.

Ito ang binigyang-diin ng naturang opisyal kasunod ng pagbubunyag ni National Capital Region Police Office Chief PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr. hinggil sa umano’y posibleng sabwatan sa likod ng pagkawala ng mga case folder ng mga tiwaling pulis na nagsasanhi naman sa pagkadelay ng implementasyon ng kanilang kaso.

Paliwanag ni PCol. Fajardo, batay raw sa kanilang naging pag-uusap ng Regional Personnel and Records Management ng NCRPO ay sinabi nito na hindi nawala kundi na-misplaced lamang ang ilang mga dokumento nang dahil sa hindi maayos na turnover ng mga police personnel na may hawak nito.

Ngunit gayunpaman ay sinabi pa rin ng PNP na hindi dapat maging rason ang pagpapalit at paglipat ng opisina ng mga tauhang may hawak ng naturang dokumento sa para mawala o ma-misplace ang mga ito.

Kasabay nito ay inihayag pa rin ni PCol. Fajardo na kasalukuyan na ring iniimbestigahan ngayon ng Pambansang Pulisya ang naturang isyu upang masigurong mapapanagot ang sinumang indibdiwal na mapapatunayang sangkot dito.

Kung maaalala, una nang nagpahayag ng pagkabahala si PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. hinggil sa isinawalat na ito ni NCRPO Chief PMGen. Nartatez kaugnay sa umano’y posibleng pagkawala o pagka-misplace ng ilang mga dokumento ng mga tiwaling pulis.

Dahil dito ay hinihikayat ngayon ng hepe ng Pambansang Pulisya ang lahat ng mga regional directors sa iba pang mga police regional offices sa buong bansa na i-check din ang kanilang mga records upang alamin kung mayroon bang kaparehong insidente sa kanilang mga nasasakupan.