-- Advertisements --
image 180

Inanunsyo ng Pag-IBIG Fund na ang mga biktima ng malakas na lindol sa Mindanao at ang pagbaha sa Eastern Samar ay maaaring maka-avail ng mga calamity loan.

Matatandaang isang malakas na lindol ang yumanig sa Mindanao noong nakaraang linggo na nagdulot ng hindi bababa sa 120 aftershocks ang naramdaman sa ilang bahagi ng bansa.

Samantala, lumubog sa baha ang ilang bahagi ng Samar matapos na magdulot ng pag-ulan sa lugar dahil sa shear line.

Sa isang pahayag, sinabi ng Home Development Mutual Fund (HDMF) na ang mga kwalipikadong miyembro ay maaaring humiram ng hanggang 80 porsiyento ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Savings.

Ang pautang ay inaalok sa 5.95 porsiyento kada taon, na siyang pinakamababang rate sa merkado.

Ang loan ay babayaran sa loob ng hanggang tatlong taon, na may palugit na tatlong buwan na ang ibig sabihin, ang paunang pagbabayad ay dapat bayaran lamang sa ika-apat na buwan pagkatapos ma-release ang loan.

Ang mga biktima ng lindol at baha ay maaaring mag-avail ng pautang sa loob ng 90 araw mula sa petsa kung kailan idineklara ang isang lugar sa ilalim ng state of calamity.