-- Advertisements --

LAOAG CITY – Napilitang kanselahin ang ilang mga fiesta sa mga bayan dito sa Ilocos Norte dahil sa lumalalang krisis sa ekonomiya sa bansa.

Ayon kay Mr. Aianree Raquel, pinuno ng Ilocos Norte Tourism Office, nagbigay ng advisory si Gov. Cecilia Araneta Marcos sa lahat ng tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte at Local Government Units hinggil sa fiesta ng bayan at iba’t ibang selebrasyon ngayong summer season.

Aniya, ang fiesta season ay hindi lamang sa Bangui at Pagudpud kundi maging sa Badoc, Pinili, Currimao, Nueva Era, Paoay at Batac City.

Paliwanag niya, mahalagang kumilos ang pamahalaang panlalawigan bilang tugon sa patuloy na krisis at maging sensitibo dito.

Dagdag pa niya, pinag-iisipan ng ilang lokal na pamahalaan na pasimplehin ang kanilang mga fiesta sa bayan kaysa idaos ito sa tradisyonal na paraan.