Umabot sa 60 kabahayan ang nasira sa ilang bahagi ng Ilocos Sur matapos manalasa ang isang ipo-ipo kasabay ng malalakas na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat na pinalalakas ng Tropical Depression “Pilandok.”
Sa isang panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Ilocos Sur Governor Jerry Singson, inihayag nitong umabot na sa 5,026 pamilya o 17,371 indibidwal mula sa 168 barangay sa 18 lokal na pamahalaan sa buong lalawigan ang direktang naapektuhan ng masamang panahon.
Batay sa talaan ng provincial government, dalawa sa mga nasirang bahay ang tuluyang nawasak o totally damaged habang 58 naman ang bahagyang nasira o partially damaged.
Bunsod ng matinding pag-ulan at pinsala, 158 pamilya o 439 indibidwal ang kinailangan lumikas sa kani-kanilang mga tahanan, kung saan 90 pamilya ang nananatili sa mga opisyal na evacuation center habang 68 pamilya naman ang nakikituloy muna sa kani-kanilang mga kamag-anak.
Mabilis namang nagpaabot ng relief assistance ang mga lokal na pamahalaan at ang Provincial Government of Ilocos Sur (PGIS), kabilang ang pamamahagi ng family food packs, hygiene kits, family kits, at shelter repair kits para sa mga nasiraan ng bahay.
Tiniyak naman ni Gov. Singson na nakahanda ang pondo at mga pasilidad ng lalawigan upang patuloy na umalalay at magbigay ng mga materyales sa pagpapaayos ng mga tahanan ng mga apektadong residente habang patuloy na nagpapakawala ng pag-ulan sa buong Ilocos Region ang state weather bureau bunsod ng Habagat at Bagyong Pilandok.
















